Friday, November 9, 2007

Hiling at Ang Totoo...(dalawang tula)


  1. HILING
    Ni: Arvin U. de la Peña

    Kailangan ko ang pagmamahal niyo
    Nandito lang ako sa tabi
    Naghihintay na lapitan niyo
    Nang madiligan nauuhaw kong laman.

    Alam ko naman balewala lang ako
    Kasi hindi ako tulad niyo
    Pero sana pansinin niyo ako
    Kahit konting pagmamahal lang.

    Maliit na tubig sapat na iyon
    Masyado na kasing tuyo
    Ang lupang kinatitirikan ko
    Gusto ko po na lumaki pa.

    Puno, ako ay maliit pa na puno
    Nasa gilid ng dinaraanan niyo
    Balang araw lalaki ako
    At masisilungan niyo sa araw at ulan.


    ANG TOTOO
    Ni: Arvin U. de la Peña

    Bilang ng tao dumadami
    Mga nagugutom nadadagdagan
    Mga pangyayaring di maganda
    Lalo lang lumalala.

    Habang ang hari at prinsesa
    Masaya lang sa pagkakaupo
    Mga kailangan ng nasasakupan
    Di magawang pansinin.

    Gusto mang maghimagsik
    Di magawa ng kawawang nilalang
    Sa takot na makulong
    Poot kinikimkim na lang.

    Pagdurusa sa bayang sinilangan
    Wala talagang katapusan
    Kahit magpalit pa ng administrasyon
    Angat pinoy ay malabo pa rin.

No comments: