Thursday, June 28, 2007

dalawang kuwento

BAKIT

Parang nasabugan ako ng bomba ng bigla ay makipaghiwalay ka sa akin. Dahil mahal na mahal mo ako. Noong nililigawan mo pa lang ako kahit ilang oras kaya mo akong hintayin sa paaralan. Hinahatid mo pa ako sa amin. Nang minsan na sinermonan ka ng mga magulang ko na dapat hindi mo ako nililigawan dahil mahirap ka lang ay balewala lang sa iyo. Hindi ka nagalit. Naging matiyaga ka talaga sa akin. Gustong-gusto mo talaga ako. Kaya nga ng sagutin kita, kitang-kita ko sa mukha mo ang kasiyahan. Labis-labis ang iyong pasasalamat na tinanggap ko ang iyong panliligaw.
Nang tayo ay nagmahalan na wala akong masabi sa iyo. Napakamaasikasuhin mo sa akin. Hindi ka gumagawa ng hakbang na maaaring ikagalit ko sa'yo. Kapag may araw naman na di tayo nagkikita ay tinatawagan mo ako at kinukumusta. Para alamin kung ayos lang ba ako.
Ngunit bakit ngayon? Bakit pagkatapos ng tatlong taon na pag-iibigan natin bigla kang makikipaghiwalay sa akin? May kasalanan ba ako? Mayroon ba akong nagawang pagkakamali sa'yo? Bakit ito ang igaganti mo sa akin pagkatapos kong maibigay ang lahat sa'yo? Akala ko ba ako na sa piling mo? Ako ang gusto mong makasama sa habambuhay. Pero bakit? Bakit nakipaghiwalay ka sa akin ng walang sapat na dahilan? Paano na ang mga pangarap natin? Hahayaan na lamang ba na di matupad? Hindi ka ba nasasayangan roon?
Sana ay tama ang aking hinala na nabigla ka lang kaya ka nakipaghiwalay sa akin. Ayaw mo lang muna na makita ako at makasama. At babalik ka rin para ako ay sorpresahin. Dahil sa estado ng buhay natin ay langit ako at ikaw ay lupa. Pagbalik mo ay pantay na tayo at di ka na mahihiya sa aking mga magulang.
Umaasa talaga ako na wala pang katapusan sa ating dalawa. Magpapatuloy pa balang araw ang maganda nating relasyon. Wala pang wakas sa pag-iibigan natin. Kung ang wakas ay wala na ngang karugtong.

HINANAKIT NG PINALAGLAG

Kaytamis ng inyong pagmamahalan. Sweet kayo lagi sa isa't isa. Kapag kayo ay magkasama nais niyo talaga ay di na maghiwalay. Lalo na kapag nagkakasarilinan. Pangako sa bawat isa kaysarap pakinggan. Habang gumagawa kayo ng hakbang na maaaring mabuo ako para bang handa na kayo na maging anak ako. Para bang handa na kayo na maging magulang habang nagtatampisaw sa kaligayahan. Hindi niyo man lang talaga iniisip na kapag nagbunga ang dagta ng inyong pagmamahalan may responsibilidad na kayo kahit na kayo ay responsibilidad pa ng inyong mga magulang.
Ngayon buo na ako. Sanggol na ako na maituturing sa sinapupunan. Umaasa ako na pagkatapos pa ng ilang buwan makikita ko na ang mundo ng mga tao. Higit sa lahat umaasa ako na makikita ko ang dalawang tao na nagmahalan na bumuo sa akin. Para pasalamatan kahit sa isip pa lamang.
Huh!, ano ito? Bakit hinihila ako palabas? Ayoko!, ayoko! hindi pa ito ang tamang araw para ko makita ang liwanag ng mundo. Maawa ka naman sa akin. Masakit ang iyong ginagawa sa akin, masakit!. Tigilan mo na ang ginagawa mo, parang awa mo na!
Patay na ba ako? Bakit nasa isang supot na ako ng plastik? Hindi na ako nasa loob ng sinapupunan. Bakit nagawa niyo sa akin ito? Bakit pinapatay niyo ako habang maliit pa at walang kalaban-laban? Akala ko ba mamahalin niyo ako katulad ng pagmamahal niyo sa isat-isa. Bakit hindi niyo man lang ako hinayaan na mabuhay para naman matupad ang mga pangarap ko? Bakit hindi niyo man lang ako binigyan ng pag-asa na maging bahagi ng lipunan? Makakaya ko naman na tiisin ang hirap na aking mararanasan bilang bahagi ng isang pamilya. Bakit naging ganoon ang pasya niyo pagkatapos na mabuo ako?
Sana hindi na lang ako nabuo kung ipapalaglag rin lang. Hindi pa pala kayo handa na maging magulang. Tuloy pinag-uusapan ako ngayon dahil pinatapon niyo lang ako sa kung saan may makakakita sa akin. Wala talaga kayong awa sa akin.

No comments: