Thursday, June 28, 2007

Taong Grasa

TAONG GRASA
Ni Manelynne T. Trani

Basurang lumalakad kung ako ay tawagin. Kung bakit basura? Iyon ay dahil wala na akong silbi sa lipunan. Lahat ay iniiwasan ako. Kapag ako ay naglalakad iniiwasan nila ako na makasalubong. At kapag ako naman ay nagpapahinga at dinadaanan nila ang kanilang ilong kadalasan ay tinatakpan nila.
Palabuy-laboy lang ako sa kung saan. Wala akong permamenteng tirahan. Kapag may nakikita na puwedeng makain sa basurahan o sa kalsada iyon ay pinupulot ko para kainin. Minsan lang kung may magbigay sa akin ng pagkain o kaya pera para ko ipambili ng pagkain. Kulang na lang talaga sa akin ay mamatay na. Pero natatakot ako na magpakamatay. Kaya mahirap man ang kalagayan sa tulad ko ay nilalabanan ko na lang para mabuhay.
Minsan ay nangangarap din ako na may tumulong sa katulad ko. Para naman makawala na ako sa pagiging "taong grasa". Nang sa ganoon ay makakain ako ng tatlong beses sa isang araw. May matulugan na sapat na higaan at mamuhay kahit isang ordinaryong mamamayan lang. Ngunit hanggan pangarap na lang yata iyon. Dahil pinagtatabuyan na nga ako, tutulong pa kaya.
Sana isang araw ay magising talaga ako na maayos na ang buhay ko. Bagong gupit, hindi marumi, at maayos ang damit na suot. Higit sa lahat nakikisalamuha sa mga tao. Kung hindi naman dumating ayos na rin sa akin. Alam ko naman na may katapusan ang lahat ng ito sa akin. Kung kailan, iyon ay kung hindi na ako humihinga.

No comments: